Paano Mag-setup
Komprehensibong step-by-step na gabay kung paano magpalaki ng halaman gamit ang SNAP Hydroponics.
Magpatubo ng Binhi
Mga Kailangang Materyales
Punlaan
Mababaw na kahong lalagyan na may mga butas sa ilalim. Maari itong gawin mula sa mga microwavable na lalagyan. Siguraduhing mayroong butas sa ilalim. Mahalagang nakakalusot ang tubig sa ilalim ng punlaan. Dahil kung hindi, mabababad ang mga buto o supling sa tubig na maaring ikabulok ng mga buto at ikalunod ng mga supling.
Pinakamainam na itabi ang takip dahil maari itong gamitin para panatilihin ang halumigmig at makatulong sa pag-usbong ng mga buto. Kung balak itong gamitin gaya ng nabanggit, lagyan din ito ng butas upang hayaang lumabas ang hangin at hayaan itong umikot.
Growing Media
Maraming materyales ang maaring gamiting growing media para sa pagpapalaki ng binhi. Cocopeat ang gamit sa gabay na ito.
Maari ring gamitin ang mga ordinaryong potting mixes lalo na yung mga dinesenyo para sa pagpapalaki ng binhi. Hindi mairerekomenda ang paggamit ng lupa na binungkal sa paligid dahil maaring ito ay kontaminado ng mga peste at mga sanhi ng sakit.
Mga Buto
Ang mga pakete ng buto ay mabibili mula sa mga lokal na garden centers o agri-vet centers. Ang mga hardware store sa mga mall ay mayroon din nito sa kanilang gardening section. May mga pagkakataon rin na makikita ang mga pakete ng buto sa mga bookstore at grocery store.
Para sa mga baguhan, mariing nimumungkahi na magsimula sa mga madahong gulay gaya ng letsugas, pechay, mustasa o kangkong.
Mga Hakbang
-
Latagan ang punlaan ng basang cocopeat nang may mga 2.5cm ang kapal (isang pulgada).
-
Dasigin at pantayin ang cocopeat.
-
Ibudbod ang mga buto ng manipis at pantay-pantay sa ibabaw ng cocopeat. Bilang batayan, ang maliit na kurot ng maliliit na buto (letsugas bilang halibawa) ay katumbas ng 20-50 piraso ng buto. Mangyaring isaalang-alang ang germination rate ng mga buto na malimit ay nakasulat sa pakete ng buto.
-
Diligan ng husto. Malimit ay nakatala sa pakete ng mga buto kung gaaano katagal ang aabutin para sumibol ang mga buto. Maraming mga páktor ang makaaapketo sa tagal ng panahon na kailangan upang umusbong ang mga buto at ilan sa kanila ang uusbong.
-
Palakihin ang mga binhi ng 10-14 na araw bago ilipat sa kani-kanilang seedling plugs.
Ihanda ang mga Grow Boxes
Mga Kailangang Materyales
Styrobox
Ang mga kahong yari sa Expanded Polystyrene (EPS) na mas kilala sa pangalang “styrofoam box” o “styrobox” ang angkop na materyales para sa grow box (o “growing box”). Ang rekomendadong laki para sa SNAP Hydroponics ay 20"×16"×6". Ang mga kahong ito ay kayang maglaman ng 10-12 litro ng nutrient solution at may sapat na espasyo para magpalaki ng hanggang walong madahong gulay at hanggang limang namumungang gulay. Ang mga styroboxes na may ganitong laki ay pangkaraniwang makikita sa mga buwan ng Setyembre hanggang Pebrero.
Lining Material
Ang mga boxes ay may mga ventilation holes na sa kanilang mga gilid. Upang makapaglaman ng nutrient solution ang ibabang bahagi ng kahon kailangan itong latagan ng matibay na waterproofing sheet. Ang 20"✕30" polyethylene (PE) plastic bags ang gamit sa gabay na ito.
Pambutas ng Styrofoam
Kailangan ng pambutas ng styrofoam upang lagyan ng butas ang ibabaw ng grow box para sa mga seedling plugs. Ang lata na may tamang laki ay maaaring gawing ganito.
Packaging Tape
Gagamitin ito upang idikit ang lining material at lagyan ng takip ang mga ventilation holes.
Patpat na Yari sa Kawayan
Patpat na yari sa kawayan o katulad na kagamitan na gagamitin upang gumuhit ng mga linyang gabay sa styrofoam. Ito rin ay gagamitin upang maingat na maalis ang kapirasong styrofoam mula sa pambutas matapos itong gamitin para gumawa ng butas.
Mga Hakbang
-
Baliktarin ang itaas na bahagi ng styrobox at ipatong ito sa pantay na patungan. Maglagay ng kapirasong plywood o karton sa pagitan ng patungan at ng styrofoam upang maiwasan ang pagkasira ng patungan sa pagbubutas.
-
Gumuhit ng mga linyang gabay na pinagdudugsong ang mga ventilation holes mula sa magkasalungat na panig ng kahon gaya nakalarawan sa ibaba. Gagawa ng butas na nakagitna kung saan nagtatagpo ang mga linya.
-
Upang gumawa ng mga butas, ipatong ang matalas na dulo ng pambutas ng styfoam at idiin ito upang lagyan ng gitlí ang ibabaw. Hawakan ang pambutas sa mga hawakan at idiin ito habang iniiikot-ikot ng pakanan at pakaliwa. Sa ganitong paraaan, lalong lalalim ang pambutas sa foam. Ipagpatuloy ito hanggang tuluyang mabutas ang foam.
-
Maingat na bunutin ang pambutas ng styrofoam. May bilog na piraso ng foam ang maiiwan sa dulo ng pambutas. Gamitin ang patpat upang maingat na itulak ang isang panig nito. Iikot ang pirasong ito at lalabas ang kabilang panig palabas ng pambutas at magiging madali ang pag-alis nito sa pambutas.
-
Ulitin ang prosesong ito upang gawin ang nalalabi pang mga butas.
-
Mariing minumungkahing gamitin ang packing tape upang takpan ang mga ventilation holes sa bahaging ito ng styrobox kung ang iyong lugar na pagpapatubuan ay walang proteksiyon sa lamok. Sa ganitong paraan, mapipigilang maabot ng mga lamok ang nutrient solution at hindi sila makakapangitlog sa loob ng grow box.
-
Sapinan ang ibabang bahagi ng styrobox ng PE plastic bag.
Ihanda ang mga Seedling Plugs
Mga Kailangang Materyales
Styro Cups
Sa gabay na ito, ang gagamitin ay walong onsang styro cups na pinapakita sa baba.
Maliit na Laghari o Katulad nito
Gagamitin ito upang gumawa ng mga hiwa sa ilalim ng mga styro cup.
Napatubong mga Binhi
Mangyaring sumangguni sa seksiyon sa pagpapatubo ng binhi.
Growing Media
Maraming materyales ang maaring gamitin bilang growing media. Sa gabay na ito, cocopeat ang gagamitin.
BBQ Stick o Katulad na Gamit
Gagamitin ito upang bungkalin ang mga binhi mula sa sowing tray. Gagamitin rin ito na pambungkal kapag naglilipat ng mga binhi sa mga seedling plug.
Mga Hakbang
- Gamit ang maliit na laghari, gumawa ng lima hanggang walong patayong hiwa sa tagiliran ng baso mula sa ilalim. Ito ay dapat dalawang-katlo (2/3) ng taas ng baso ang haba at sa ilalim naman ay isang-katlo (1/3) ng raydiyus ng ilalim ng baso.
-
Lagyan ng cocopeat ang mga hinandang styro cup. Isang-kapat (1/4) hanggang isang-katlo (1/3) ng laman ng styro cup—sapat lamang para suportahang nakatayo ang binhi. Mas konti ang lamang growing media, mas mainam dahil mas mabilis na makakarating ang mga ugat sa nutrient solution.
-
Ilipat ang mga binhi mula sa punlaan patungo sa mga baso. Gamitin ang patpat o katulad na gamit nito upang maingat na bungkalin ang mga binhi mula sa punlaan. “Maghukay” ng butas sa gitna ng growing media na nasa loob ng baso gamit ang patpat o katulad na gamit. Isang binhi lang ang ilipat kada baso. Itayo ng maayos ang nilipat na binhi sa pamamagitan ng paglalagay ng growing media sa paligid ng puno nito gamit ang patpat.
-
Kung nanaisin, ang mga binhi sa nasa seedling plugs ay maaring patibayin bago sila ilipat sa growing boxes. Hayaang nakatubog sa mababaw na matabang na working solution ang mga inihandang seedling plugs ng mga ilang araw.
Pag-setup ng SNAP Hydroponics System
Mga Kailangang Materyales
SNAP Nutrient Solution for Hydroponics
Ang sistemang SNAP Hydroponics ay nangangailangan ng paggamit ng SNAP Nutrient Solution for Hydroponics. Ang mga ito ay dine-develop at ginagawa sa IPB-UPLB. Ang mga ito ay mabibili sa National Seed Foundation at sa mga SNAP Authorized Resellers.
Seedling Plugs
Mangyaring sumangguni sa seksiyon sa seedling plugs.
Grow Boxes
Mangyaring sumangguni sa seksiyon sa grow boxes.
Malinis na Tubig
Maaring gamitin ang tubig galing sa balon o gripo. Ang SNAP ay dinesenyo para sa mga tipikal na pinagkukunan ng tubig sa Pilipinas. Ang paggamit ng tubig na dumaan sa reverse osmosis (distilled water) ay hindi akma sa working parameters ng SNAP at ang resultang nutrient mixture ay hindi magiging angkop sa hydroponics growing.
Patungan
Opsiyonál na mga patungan kung saan ilalagay ang mga grow boxes sa ilalim ng silungan.
Silungan
Greenhouse, rain shelter o awning ng bubong na nakaharap sa silangan para sa pinakamaaga at pinakamatagal na nasisikatan ng araw.
Mga Hakbang
-
Ihanay ang mga grow boxes sa silungan. Siguraduhing ang bawat isa ay pantay at ang bawat isa ay nakakatanggap ng sapat na sikat ng araw upang suportahan ang paglaki ng mga halaman.
-
Lagyan ang bawat isang grow box ng 10L na tubig.
-
Dagdagan ng 25mL ng SNAP A. Haluing mabuti. Dagdagan ng 25mL ng SNAP B. Haluing mabuti. Kahit alin sa SNAP A o SNAP B ay maaring maunang ihalo sa tubig subalit dapat tandaan na dapat haluing mabuti ang mixture sa pagitan ng pagdagdag ng SNAP A/B nutrient solution. Ang resultang mixture ay ang working solution.
-
Paglapatin ang itaas at ibabang bahagi ng grow box at siguraduhing tama ang pagkakakabit ng mga ito.
-
Maglagay ng seedling plug sa bawat butas sa itaas na bahagi ng grow box. Siguraduhing ang ilalim ng mga baso ay nakalubog sa solution ng hindi bababa sa isang sentimetro ang sukat. Kung hindi pa, dagdagan ng malinis na tubig hanggang maabot ang tamang taas ng solution.
-
Suriin ang mga kahon para sa mga tagas at ayusin ang dapat ayusin.
Maintenance ng SNAP Hydroponics System
-
Bisitahin ang setup tuwing umaga upang hulihin ang mga uod ng insekto na maaring kumain sa mga halaman. Ang mga uod ay aktibo at madaling makita sa umaga. Pagkalipas nito, sila ay nagtatago at mas mahirap makita.
-
Asahan ang mabagal na paglaki ng mga halaman sa unang dalawang linggo matapos silang i-transplant. Lalo na kung ang mga punla ay hindi dumaan sa pagpapatibay. Sa unang dalawang linggo, ang halaman ay nagsasanay na lumaki ng nakababad sa tubig.
-
Pagkatapos ng unang dalawang linggo, magpapakita ang mga halaman ng mabilis na paglaki. Marami sa mga madahong pananim ay may laking maari nang ipagbili sa ikatlong linggo.
-
Asahan ang pagbaba ng nibél ng working solution. Habang lumalaki ang mga halaman, lalong bibilis ang pagbaba.
-
Magdagdag ng solution kapag masyado nang mababa ang nibél ng working solution. Huwag na huwag itong hayaang matuyo ng tuluyan. Kapag nagdadagdag ng solution, huwag na huwag itong hayaang maabot ang ilalim ng mga baso at ilubog ang lahat ng mga ugat. Ang itaas na bahagi ng mga ugat ng mga halaman ay dapat laging nakalantad sa hangin kaya hindi dapat ito nakalubog sa tubig. Palagian itong tandaan kapag dinadagdagan ng laman ang grow box.
-
Ang mga pananim na kailangang ng dagdagan ngunit malapit ng anihin ay dapat dagdagan ng malinis na tubig.
-
Ang mga pananim na kailangang palakihin ng lampas sa isang buwan ay dapat dagdagan ng bagong working solution.