Lumaktaw patungo sa pangunahing nilalaman

Paggawa ng Grow Box

Alamin kung paano bumuo ng SNAP grow box mula sa komprehensibong gabay na ito.

SNAP Hydroponics grow box.

Ang mga grow boxes o growing boxes ay mahalagang bahagi ng sistemang SNAP Hydroponics. Ang grow box ay nagsisilbing lalagyan para sa SNAP working solution. Ang grow box din ang nagbibigay suporta sa mga seedling plugs. Ito ay isang madaling sundang gabay kung paano bumuo ng mga grow box mula sa mga nagamit nang styrofoam boxes.

Mga Kailangang Materyales

Styrobox

Mga kahong yari sa expanded polystyrene (EPS) na kilala rin sa tawag na “styrofoam box” o “styrobox” ay mainam materyales para sa grow box. Ang laki na nirerekomenda para sa SNAP Hydroponics ay 20"×16"×6". Ang mga kahon na ito ay kayang maglaman ng 10-12 litro ng nutrient solution at may sapat na espasyo upang magpalaki ng hanggang walong madahong gulay at hanggang limang namumungang gulay. Ang mga ganitong uri ng styrobox ay ginagamit bilang sisidlan ng mga ubas na inangkat mula sa Estados Unidos at malimit makikita sa mga buwan ng Setyembre hanggang Pebrero. Para sa karagdagang impormasyon sumanguni sa gabay sa styrobox.

Materyal na Pang-lining

Ang mga styrofoam boxes ay may mga butas para sa bentilasyón sa gilid. Upang makapaglaman ng nutrient solution ang ibabang bahagi ng kahon, kailangan itong sapinan ng matibay na waterproofing sheet. Sa gabay na ito 20"✕30" polyethylene (PE) plastic bags ang gagamitin.

Pangkariwang tatak ng 20"✕30" PE plastic bags.

Pambutas ng Styrofoam

Kailangan ang pambutas ng styrofoam upang makagawa ng butas sa itaas na bahagi ng grow box para sa mga seedling plugs. Ang lata na may tamang sukat para sa mga seedling plugs ay maaring gawing ganitong kasangkapan. Para sa detalye mangyaring sumangguni sa gabay sa paggawa ng pambutas ng styrofoam.

Pares ng buong sariling gawang pambutas ng styrofoam.

Packaging Tape

Ito ay gagamitin upang idikit sa posisyon ang lining material at opsiyonal na takpan ang mga butas para sa bentilasyón.

Tipikal na rolyo ng dawalang pulgadang lapad na packing tape.

Patpat na Kawayan

Patpat na kawayan o katulad na kagamitan. Ito ay gagamitin upang gumuhit ng mga linyang gabay sa styrofoam. Ito rin ay gagamitin upang maingat na alisin ang piraso ng styrofoam mula sa pambutas ng styrofoam matapos ang pagbubutas.

Ihanda ang Styrobox

Bagama’t ang mga styrofoam na kahon ng ubas ay magkakasingsukat, ang paraan kung paano nagkakabit ang kanilang ibaba at itaas na bahagi ay magkakaiba depende sa gumagawa at pag-uuri ng gumagawa. Nangangahulugang hindi magtutugma ang itaas at ibabang bahagi ng styrobox kung hindi sila magkaparehong uri.

Maaring ipatong ng nakabaliktad ang itaas na bahagi ng grow box upang hindi na alalahanin kung magkakatugma ang mga pares ng itaas at ibabang bahagi ng grow box. Yun nga lang, meron rin itong disadvantages. Halimbawa, madali itong malipad ng hangin.

Ang styrobox ay may locking tabs upang ito ay manatiling nakasara. Para buksan ang kahon diinan ang ibabang bahagi sa bandang gitna ng mas maikling panig ng kahon upang alisin ang lock at hilahin ang itaas na bahagi papataas.

Nirerekomenda na punasan ang styrobox ng malinis na basahan upang alisin ang alikabok, grasa o pagkabasâ, dahil maaring maging dahilan ito ng pagpalya ng tape na gagamitin upang ikabit ang plastic liner.

Gawin ang Itaas na Bahagi ng Grow Box

Baliktarin ang itaas na bahagi ng styrobox at ilagay ito sa pantay na patungan. Nirerekomenda na maglagay kapirasong plywood o karton sa pagitan ng patungan at ng styrofoam. Ito ay upang maiwasang magkagasgas ang patungan habang nagbubutas ng styrofoam gamit ang pambutas.

Gumuhit ng linyang gabay na nagdudugtong sa mga ventilation holes sa magkatapat na gilid ng kahon gaya na pinapakita sa baba. Gumawa ng butas kung saan nagkukrus ang mga linya.

Mga linyang pinagdudugsong ang mga ventilation holes ng mga magkasalungat na panig. Gagawa ng butas kung saan sila nagtatagpo.

Para gumawa ng butas, ipatong ang matalas na dulo ng pambutas sa styrofoam at idiin ito upang gahian ang ibabaw nito. Hawakan ang pambutas sa hawakan at ipihit-pihit ito ng pakanan at pakaliwa habang dinidiinan ito upang tuluyan itong bumaon sa foam. Ituloy ang prosesong ito hanggang tuluyan itong tumagos sa foam.

Marahang hilahin ang pambutas ng styrofoam. May maiiwang bilog na piraso ng styrofoam sa dulo ng pambutas. Gamitin ang kawayang patpat upang itulak ang isang panig nito papasok sa pambutas. Ito ay mag-iikot sa pirasong ito at ang kabilang panig ay lalabas ng pambutas at maari na itong maingat na alisin.

Ulitin ang prosesong ito upang gawin ang natitira pang mga butas.

Itaas na bahagi ng grow box

Mariing minumungkahi na gamitin ang packing tape upang takpan ang mga butas para sa bentilasyón sa bahaging ito ng grow box kung ang lugar na paglalagyan nito ay walang proteksiyon sa mga lamok. Mapipigilan nitong makapasok ang mga lamok sa grow box at makapangitlog sa working solution.

Proteksiyon sa mga lamok.

Gawin ang Ibabang Bahagi ng Grow Box

Magsimula sa paghahanda ng mga piraso ng tape na mga tatlong pulgada ang haba. Iposisyon ang 20"✕30" na plastic liner gaya ng pinapakita sa baba. Dahil ang box ay may sukat na 20"✕16", ang plastic liner ay lalampas sa haba ng kahon ng limang pulgada sa tigkabilang dulo at lalampas sa lapad ng kahon ng apat na pulgada sa tigkabilang panig. Ang mga sukat na ito ang magpapadali ng pagposisyon ng plastic liner sa gitna ng ibabang bahagi ng grow box.

Tamang pagkaposisyon ng plastic liner sa ibabaw ng ibabang bahagi ng grow box.

Itiklop ang tigkabilang dulo ng plastic liner gaya ng pinakikita sa baba.

Plastic liner na tama ang pagkakatiklop ng mga dulo.

Itiklop ang tigkabilang tabi ng plastic liner at hayaan itong magkasya at “mahulog sa loob.”

Plastic liner na nagkasya sa ibabang bahagi ng grow box.

Sa puntong ito ang gilid ng plastic liner ay dapat pantay sa gilid ng grow box sa pahabang parte nito. Idikit ang mga ito sa gitna ng haba ng grow box gaya ng pinapakita sa baba.

Tabi ng plastic liner na idinikit ng tape sa gitna.

Lagyan ng tape ang parehong tabi ng grow box pero sa malapit sa kanto gaya ng pinapakita sa baba. Pansinin na ang tape ay dinidikit lang ang gilid ng plastic liner na nakatapat sa tabi ng kahon at hindi ang nakatiklop na parte ng katabing gilid.

Tamang paglagay ng tape sa kanto.

Ulitin para sa natitirang mga kanto.

Nakatape na ng maayos ang mga kanto ng plastic liner.

Ngayong naka-tape na sa posisyon ang plastic liner, hawakan ang tigkabilang dulo ng plastic liner at hilahin ito papunta sa gilid ng grow box. Ang plastic liner ay gagawa ng hugis tatsulok na tiklop sa mga kanto.

Kung tama ang pagkakagawa, ang mga kanto ay titiklop ng maayos sa pwesto.

Sa pamamamagitan ng kaagapay o gamit ang sipit upang hawakan ang plastik sa posisyon, lagyan ng tape ang mga kanto at ang gitna. Pansinin na ang plastik ay lampas sa taas ng tabi ng grow box sa lapad nito at ang plastic ay lalampas sa gilid ng styrobox kapag ito ay nilagyan ng tape. Ulitin ang prosesong ito sa kabilang panig.

Ibabang bahagi ng styrofoam box na sinapinan ng PE plastic sheet.

Ang grow box ay buo na.

Alisin ang mga Locking Tabs (Opsiyonál)

Ang itaas na bahagi ng styrobox ay may tabs na nagla-lock rito sa bandang itaas ng ibabang bahagi. Kapag ang mga grow boxes ay nagsisikan, ang pang-lock na ito ay nagiging sagabal sa pagbukas ng grow box upang siyasatin ang loob. Maari silang opsiyonal na alisin sa pagputol sa kanila gamit ang box cutter.

Locking tabs ng styrobox na maaring alisin.